Posted by : Laom Luop Saturday, May 4, 2013


Ang Paaralan ng Medisina ng Unibersidad ng Ateneo sa Zamboanga ay isa sa mga natatanging paaralan ng Panggagamot sa bansa. Isa sa mga dahilan kung bakit siya naiiba ay ang pagkakaroon ng tinatawag na "Community-Oriented Medical Education (COME)" sa kanilang kurikulum. Ang COME ay isang stratehiya ng paaralan kung saan inilalagay ang kanilang mag-aaral sa isang mahirap na komunidad sa rehiyon upang makatulong na masolusyunan ang mga problema ng naturang lugar. Dito nagagamit at naisasagawa ng mga mag-aaral ang kanilang mga natututunan sa paaralan upang higit na maintindihan ang mga konsepto ng panggagamot na nababasa nila sa libro.

Sa Ngalan ni Allah, Ang Pinakamahabagin, Ang Pinakamaunawain. Ang lahat ng kaluwalhatian at pagpupuri ay kay Allah lamang, ang Panginoon ng lahat ng mga nilalang. Pagpapala at kapayapaan sa lahat ng mga propeta kabilang na sina Adan, Moises, Noe, Hesus at sa huling Propeta na si Propeta Muhammad at sa kanilang mga kasambahay at mga kasamahan.
Ako'y lubos na nagpapasalamat sa Allah at nabigyan ako ng pagkakataon na mapabilang sa Paaralan ng Medisina ng Unibersidad ng Ateneo sa Zamboanga. Bilang baguhang mag-aaral ng naturang paaralan, ang daming tanong ang sumagi sa aking isipan lalong-lalo na ukol sa COME. Makakayanan ko ba ito? Magagawa ko ba ang aking tungkulin bilang isang sumasampalataya sa kaisahan ng Allah (o tinatawag ding Muslim) habang nasa komunidad? at marami pang iba.

Obligasyon ng bawat muslim ang magdasal ng limang beses araw-araw sa nakatakdang oras at lumayo sa mga bagay na hindi kanais-nais na makakapagpalayo sa kanya sa pag-alala sa kanyang Lumikha. Ayon sa Dakilang Qur'an, ang librong naglalaman ng mga literal na Salita ng Allah na ipinahayag Niya sa huling propeta na si Muhammad (sumakanya ang Kapayapaan at Pagpapala) sa pamamagitan ng Anghel na si Gabriel,at sa pinakamalapit nitong kahulugan:

'At hindi Ko (ang Allah) nilikha ang mga jinn at mga tao maliban na lamang na sambahin nila Ako (ang Allah)' Qur'an 51:56

Kaya sinisikap ng bawat naniniwala sa kaisahan ng Allah na sambahin Siya at huwag magtambal ng iba pa sa Kanya. Ito ang pundasyon ng relihiyong Islam. Ito ang sinisikap kong gawin sa bawat araw ng aking buhay at ito din ang pangunahing nasa isip ko sa pagpunta namin sa komunidad.

At noong buwan ng Oktubre 2012 una naming nasilayan ang baranggay - Baranggay Pangulogon sa Roxas
sa probinsya ng Zamboanga del Norte- na aming tutuluyan sa susunod na apat na taon, kung hihintulutan ng Allah. Naging mabuti naman sila sa pagtanggap sa amin at hindi naman kami nahirapan makihalubilo sa kanila. Pangalawa naming bisita ay ito lamang nakaraang buwan, ika-22 ng Marso hanggang ika-15 ng Abril 2013. Hindi mo masasabing ilang buwan din kaming wala sa lugar sapagkat hindi pa rin nagbago ang pagtanggap nila sa amin at ngayon ay masasabi kong mas napalapit na kami sa kanila. Hindi naging madali para sa akin ang simula lalo na ung mga oras na nagbabahay-bahay ang aming grupo upang makuha ang panimulang datos na kelangan namin, pero sa awa at tulong ng Allah ay nalampasan ko at ng aking mga kagrupo ang mga pagsubok na dumaan. Tunay nga ang sabi ng Allah sa Kanyang Dakilang Qur'an at sa pinakamalapit nitong kahulugan:

'Ang ‘Deen’ ng Allah ay madali at walang kahirap-hirap. Na kung kaya, hindi ipinag-utos ng Allah sa Kanyang mga alipin ang mga bagay na hindi nila makakayanan. Samakatuwid, sinuman ang gagawa ng mabuti ay magkakamit ng kabutihan; at sinuman ang gagawa ng masama, ay masama rin ang kanyang makakamit na kabayaran.' Qur'an 2:286.

Katotohanan na hindi lahat ng bagay ay matututunan mo sa paaralan. Sa daang tinahak ko upang maging isang doctor, naniniwala ako na ang komunidad ay may hindi matatawarang kontribusyon para hindi lamang maging isang doctor na may alam sa panggagamot, pati na din ang maging makatao na may responsibilidad tumulong sa iba at maging doctor na may takot sa kanyang Tagapaglikha.

Naway patnubayan tayong lahat ng Allah sa matuwid na daan at bigyan tayo ng sigla, lakas at kaalaman upang magawa natin ang mga obligasyon natin dito sa mundong ibabaw, makagawa ng kabutihan at makatulong sa kapwa para lamang sa Allah.

Leave a Reply

Subscribe to Posts | Subscribe to Comments

Popular Post

Powered by Blogger.

About Us

We are medical students of the Ateneo de Zamboanga University, assigned to Barangay Luop, Diplahan, Zamboanga Sibugay. Barangay Luop is situated 40 kilometers away from the provincial capitol. It has 6 puroks and bounded by Barangay Pilar at the North; Barangay Minsulao at the East; Barangay Boyugan at the West and Barangay Baligasan at the South boundary.

Follow us at FB

Search

- Copyright © LAOM LUOP 2016 -Metrominimalist- Powered by Blogger - Designed by Johanes Djogan -